Susing Pamana sa Likod ng Bawat Pinto
By The University Of Scribe
|
Jul 2, 2026 at 11:24 PM
|
3 min read
|
5 Views
Continue reading
Photo by: i Karol Ken Jairo A. Cachero
Sa bawat pintuang nabubuksan, may isang taong madalas hindi napapansin—ngunit malaki ang ambag sa seguridad at tiwala sa komunidad: ang gumagawa mismo ng susi.
Sa Urdaneta City, isa si Crispulo “Carding” Duad, 70, sa mga tahimik na manggagawang matagal nang sandigan ng marami. Mahigit tatlong dekada na siyang key master—mula pa noong 1990—at araw-araw, kasa-kasama niya ang tunog ng makinang kumakaskas sa metal at ang paglapit ng mga taong may dalang abala sa kandado: nawawalang susi, sirang lock, pinto o gate na ayaw bumukas.
Tuwing binubuksan niya ang puwesto sa gilid ng tulay sa Perez St., San Vicente, hindi iyon basta espasyong nakasingit sa gilid ng kalsada. Para kay Carding, iyon ang sentro ng kaniyang propesyon—isang payak ngunit makabuluhang lugar kung saan nabubuo ang mga susi ng tahanan, negosyo, at pang-araw-araw na pamumuhay. Natutunan niya ang kasanayan sa simpleng panonood noon: pagmamasid sa kamay ng mas bihasa, pag-alam sa ritmo ng makina, at pag-unawa sa hulma ng bakal. Sa paglipas ng panahon, ang kaniyang kamay na mismo ang naging sukatan ng tiyaga at husay.
“Masaya—dahil ipinagkatiwala nila sa’kin ang paggawa ng kanilang susi,” wika niya, simple ang tono, pero mabigat ang kahulugan. Sa trabahong ito, tiwala ang puhunan. Isang maling kaskas, isang hindi tugmang ngipin ng susi, at may taong maiiwan sa labas—bahay man, opisina, o sasakyan.
Marami na siyang naalalayang kuwento, pero may isang araw na tumatak sa kaniya: tinawag siya para tulungan ang isang kliyenteng hindi mabuksan ang sasakyan. Hindi iyon tulad ng karaniwang padlock o doorknob. Iba ang usapan kapag sasakyan—may teknolohiya, may seguridad, at minsan, may “program” na hindi basta napapakiusapan.
“Mahirap gawin ang susing naka-program lalo na’t sa sasakyan—kumbaga kahit anong ayos sa susi, kung hindi ito ’yung susi ng sasakyan, hindi rin gagana,” paliwanag niya. Aminado siyang mahirap, ngunit sa dulo, nagawan niya ng paraan—at sa ganitong sitwasyon sumisilip ang tunay na saysay ng kaniyang trabaho: kapag ang isang tao’y natitigilan ng problema, may isang manggagawang marunong maghanap ng paraan hanggang muling bumukas ang daan pauwi.
Sa 36 na taon ng paggawa ng susi, hindi lang kabuhayan ang naitayo niya. Naipasa rin niya ang kasanayan sa tatlo niyang anak, na ngayon ay bihasa na rin. Kapag may home service at kailangang mabilis ang tugon, sila ang katuwang niya—isang pamilya na ang alam ay tumugon sa pangangailangan ng iba, kahit hindi ito palaging nakikita o napapansin.
Sa likod ng kaniyang tahimik na puwesto, payak ang pangarap: maipagpatuloy ang propesyong matagal na niyang yinayakap at maipasa pa ito sa susunod na henerasyon.
Hindi man siya nasa spotlight, alam niyang sa bawat susi na kaniyang ginagawa, may tahanang nagiging mas ligtas at may pamilyang nakakahinga nang maluwag.
“Gusto kong maalala ako ng mga tao—lalo na ng mga apo ko—na ang kanilang lolo ay matulungin, matiyaga, at mapagmahal sa propesyon,” aniya.
Sa isang siyudad na laging nagmamadali, may puwestong nananatiling maliit ngunit mahalaga. At sa bawat kaskas ng makina, tahimik na nagpapaalala si Carding: hindi nasusukat ang halaga ng isang manggagawa sa laki ng kaniyang espasyo, kundi sa serbisyong naiiwan sa bawat pinto—at sa bawat pagbubukas na muling nagbabalik ng kapanatagan.#
Ulat ni Ezekiel Eun S. de Castro
Create an Account
Choose your account type
Comments (0)
No comments yet. Be the first to share your thoughts!