Malamig na simoy ng hangin ang sumalubong sa pasko,
Katabi ng mga handa sa noche buena ang mga salitang sumugat nang husto,
Hindi mabawi, ‘di tulad ng mga yakap na naantala ng hiya at pagmamataas.
Sa hapag, mga silya’y halos magkumpulan sa lapit,
Ngunit ang mga ngiti’y halatang pilit,
Mga matang hindi nagsasalubong, mga boses ay halos pabulong.
Sabi ng iba, mapagpatawad ang pasko,
Ngunit, paano kung mas mabigat ang sakit kaysa sa sariling damdamin?
Makakaya mo ba itong lunukin? O baka naman ang sarili’y hindi dapat pilitin.
Sa tahimik na gabi, sa gitna ng mga dasal at pag-aantay sa pagpatak ng alas dose,
Nawa ay magningas ang tunay na kahulugan ng pasko,
Isang paalala na ito’y hindi lamang para sa mga perpekto, kundi para sa mga handa nang magmahal muli.
Nawa’y kasabay ng pag-abot mo ng handang salad at spaghetti,
ay makapagpatawad ka nang may ngiti,
Piliin mo sanang palayain ang bigat na ilang taon mo nang bitbit,
Hayaang liwanag ang maghari, dahil ang tunay na pasko ay hindi lamang para sa pagkikitang muli,
Kung hindi para sa mga pusong mapagpatawad hanggang sa huli.
Isinulat ni Melyra D. Esguerra
Paglalatag ni Ralph Louie A. Mateo
#TheUniversityScribe
#20YearsOfImmutablePassion
#InscribingPerspectives
Comments (2)
Join the discussion
Log in to comment and interact with other readers.