“Pasko na naman, o kay tulin ng araw,
Paskong nagdaan tila ba kung kailan lang
Ngayon ay Pasko, dapat pasalamatan
Ngayon ay Pasko, tayo ay mag-awitan"
Nariyan na naman ang mga nangangaroling,
mga tinig na kumakapit sa pag-asa.
Naghihintay ng biyayang matatanggap—
kahit baryang kay liit, malaki ang nauukit na kurba sa mga labi.
Habang umaawit ang mundo, may mga pusong tahimik na nakikinig lamang.
Ako’y aligagang naghahanap ng barya,
bulsa’y walang laman, utak ay puno ng pag-aalinlangan.
Hanggang sa makapa ko
ang limang daang napulot ko,
Biglang pumasok sa aking isipan:
sabi ng gobyerno,
sapat na raw ang limang daan para sa Pasko.
Ngunit bigat nito'y wala sa halaga,
kundi sa desisyon kung kaninong palad ito mapupunta
At doon ko nakita ang dalawang pamimilian tuwing pasko:
ibibigay ko ba ito dahil sabi nila "season of giving" daw o itatabi ko muna
para sa sarili kong matagal nang walang pahinga at amining ako rin ay may pangangailangan?
At sa sandaling iyon,
pinili kong magsabi ng totoo.
“Patawad… wala rin ako.”
Pero imbes na galit,
ang sagot ay awit pa rin:
“Thank you, thank you, ang babait ninyo, thank you!”
Doon ko naunawaan,
ang kabutihan ay hindi nasusukat
sa kung gaano karami ang ibinigay mo,
kundi sa tapang mong umaming
ikaw mismo ay walang-wala na rin
At gaya ng sabi sa kanta,
Ang pag-ibig ay naghari,
Hindi man sapat ang limang daan sa pasko
Ngunit alam kong naghari ang pagmamahal ko sa sarili ko,
Sa simpleng pagsabi ng "patawad" aking natanggap ay "salamat"
Dahil ang totoo, kailangan din natin ng kabaitan
mula sa sarili natin.
At sa katahimikan ng gabi,
habang patuloy silang umaawit,
natutuhan kong ang kabaitan
ay hindi nauubos
kapag una mo itong ibinigay
sa sarili mo
Maraming paraan para itawid ang pasko sa halagang limang daan,
Pero ako, pipiliin ko pa ring magsabi ng "patawad" kung kapalit nito ay ang daan para mabigyan ko ang sarili ko.
Ikaw, sa halagang limang daan paano mo ipapamalas ang diwa ng pagbibigayan ngayong kapaskuhan?
Sa paraang patawad o sa paraang salamat?
Isinulat ni Ashley R. Donceras
Paglalatag ni Rafael U. Bagalay
#TheUniversityScribe
#20YearsOfImmutablePassion
#InscribingPerspectives
Comments (0)
Join the discussion
Log in to comment and interact with other readers.
No comments yet. Be the first to share your thoughts!