Sa ilalim ng parol na nanginginig
Sa hanging Disyembre,
May kuwentong paulit-ulit—hindi bago,
Pero laging may bigat na dala sa dibdib ng gabi.
May liwanag na pilit sumisilip
Sa pagitan ng anino at lamig,
Parang gabing minsang may isinilang,
Hindi para mamuno,
Kundi para magbigay-hilom sa sakit.
May sabsaban sa alaala—
Hindi tahasang binabanggit ang pangalan,
Isang ina, isang ama,
At pag-asang iniluwal sa gitna ng kakulangan.
May mga bituing gumabay,
Hindi para purihin ang sarili nilang liwanag,
Kundi para ipaalala na kahit ang dilim,
Marunong maghatid ng tahanan.
Sa hapag-kainan, hindi perpekto
Ang bilang ng mga upuan.
May kaning malamig, may ulam na pilit pinarami
Para magkasya sa lahat ng pangalan.
May tawang may bitak, may lungkot
Na marahang nakikisama sa ngitian,
Dahil may Paskong may yakap,
At may Paskong alaala na lang
Ang kausap sa hapunan.
May himig ng Pasko sa radyo ng kapitbahayan,
Habang ang puso’y bugbog ng taon,
Pagod sa laban, sabik sa pahingahan.
May luhang tumutulo sa kusina,
May ngiting isinusuot
Sa harap ng kamag-anakan.
Ganito ang Pasko—magulo, kulang,
Pero pilit tinatahi ng pagmamahalan.
At sa huling sindi ng parol,
Sa tahimik na paghinga ng gabi,
Maiintindihan mong
Hindi kailangang perpekto ang Pasko
Para maging silbi.
Dahil kahit may lungkot, kahit may sugat,
Kahit may kulang na pangalan sa tabi,
Darating at darating pa rin ang Pasko—
Dahil ang pag-asa, laging marunong umuwi.
Isinulat ni Jeremia Sindayen
Paglalatag ni Aldrien Jonathan Ceneze
#TheUniversityScribe
#20YearsOfImmutablePassion
#InscribingPerspectives
Comments (0)
Join the discussion
Log in to comment and interact with other readers.
No comments yet. Be the first to share your thoughts!